Sa mga nakakatanggap ng 13th month pay o bonus sa Disyembre, hindi nakakagulat na ang unang papasok sa isip ay magpakasarap. Maaaring karapatdapat lamang iyon dahil bunga iyon ng iyong pagsisikap at nagtipid ka naman sa mga nakaraang buwan dahil kapos ang kita. Ngunit hindi kailanman ay hindi naman talaga ito “sapat”. Aminin natin na kahit kaya nating mabuhay sa ating kita at nakakaipon naman, hindi tayo nakukuntento at gusto pa rin natin ng “mas malaki pang kita”. At kapag nakatanggap ng bonus, iisipin iyon bilang pabuya sa pagtitiyaga. Marami sa atin ang matutuksong gumasta.
Ngunit kailangang tandaan ang mga natalakay natin sa nakaraan ukol sa Active Income.
– Ang Active Income ay ang kita mula sa pagtratrabaho.
– Kailangang ipunin ang 20% nito.
– Kailangang gamitin lamang ang Active Income sa pang-araw-araw na gastusin, sa savings, at sa pamumuhunan o investments.
Parehong Active Income ang iyong 13th month pay at bonus dahil kung hindi ka nagtrabaho, hindi mo iyon matatanggap. Kailangang ituring iyon bilang Active Income ngunit may kaunti lamang na pagkakaiba. Tutal tinutustusan na ng iyong regular na sahod ang iyong pang-araw-araw na pangangailangan, kailangang mapunta ang iyong 13th month pay at bonus sa savings at investments. Maaaring hindi makatarungang pilitin na ipunin ang lahat ng iyon. Pagsikapan na mailaan ang malaking bahagi ng 13th month pay at bonus sa iyong savings, ang ibang bahagi naman nito ay para naman sa dagdag na gastusin na dala ng pasko. NGUNIT HUWAG ITONG UBUSIN SA MGA LUHO O PAGBIBIGAY NG REGALO!
Passive Income lamang ang pwedeng gastusin para sa mga regalo at parties. Tandaan na ang Passive Income ay iyong kita na nanggagaling sa iyong mga Savings. Darating ang Passive Income kahit magtrabaho ka o hindi.
Tandaan lang na kung gusto mong gamitin ang iyong Passive Income para sa mga pagdiriwang, kapag ginamit mo ito imbes na hayaan iyong tumubo bilang Savings o Investment, kailangan mapalitan mo ito nang sa gayon ay makamit mo pa rin ang iyong Net Worth Goal pagdating ng iyong pagreretiro. Tandaan na ang maginhawang pagreretiro ay nagmumula sa kakayahang matustusan ang piniling retirement lifestyle sa tulong lamang ng Passive Income. Kailangang pag-ipunan ito habang nagtratrabaho pa at kumikita ng Active Income. Kung basta-basta na lamang ang paggamit mo dito, maaaring kapusin ka sa iyong pagreretiro.
Paalalahanan ang sarili na hindi nagtatapos ang buhay sa Pasko at Bagong Taon. Walang masama sa pagbibigay at pamamahagi. Sa katunayan, kapuri-puri ang mga iyon lalo na kung ipinagkakaloob mo iyon sa mga nangangailangan kahit na wala ka namang inaasam na kapalit. Ngunit tandaan na hindi maaaring ipamahagi ang bagay na wala naman sa iyo. Ang iyong unang obligasyong pampinansiyal ay ang iyong sarili. Obligasyon mong magplano at maghanda para sa iyong sariling kinabukasan.
Pag-isipan natin ang ang diwa ng Pasko. Ito ang pagdiriwang sa kaarawan ni Hesu Kristo na ipinanganak sa sabsaban. Ang nakasanayang paggastos at pagwawaldas tuwing Pasko ay gawa lamang ng tao. Ang Pasko ay ang panahon upang magbuklod ang mga pamilya at mga kaibigan upang magpamalas ng pagmamahal at pagbibigayan.
Ito ang ilan sa mga maipapayong paggagamitan lamang ng Active Income at HINDI ng Passive Income:
1.) Tipunin ang mga bagay na hindi na ginagamit sa nakaraang 6 na buwan, dalhin sa opisina at magsagawa ng isang maliit na “garage sale”. Ang mga hindi maibebenta sa mga ka-opisina ay maaari namang ibenta sa ibang lugar o kaya’y ipamigay na lamang sa paboritong charity. Ika nga nila, “One man’s garbage is another man’s gold.” o ang basura ng isa ay ginto para sa iba.
2.) Napakaraming reunions at parties tuwing Pasko. Mas kaunti ang panahong lumahok sa mga kasiyahan kung mauubos ang oras sa pagsho-shopping at pagbili ng mga regalo. Maaaring imbes na magshopping, ilaan na lamang ang oras sa paglahok sa mga nasabing kasiyahan. Mag-isip ng ibang paraan upang aliwin at bigyang kasiyahan ang mga kaibigan. Gamitin ang talento at maghanda ng mga presentasyon; ang saya na maidudulot mo ay maituturing na bilang regalo sa kanila.
3.) Karaniwang gawain ang Kris-Kringle sa mga opisina. Ito ay ang madalas na pagpapalitan ng mga munting regalo na magtutuloy-tuloy hanggang sa huling araw ng opisina bago mag Pasko kung saan ang pinaka-enggrandeng palitan ng regalo ay magaganap. Ngunit nakakabalisa ang Kris-Kringle dahil ang ilan sa mga ito ay hindi agarang nabibili at mapipilitan pa ang mga kalahok na mamili sa huling minuto. Ngunit maaaring magtalaga ng mga regalo na hindi kailangang bilhin tulad ng mabubuting gawain o serbisyo sa pamamagitan ng mga certificates o katibayan. Halimbawa, maaring isaad ng isang regalong certificate ang, “Nangangako akong dadalhan ng lunch-baon isang araw si _________ sa susunod na taon kapag hiniling niya ito sa akin, basta’t abisuhan niya ako ng ____ araw.” Maaari ring ganito ang laman ng certificate: “May libre masahe si ________ tuwing breaktime sa buong buwan ng Pebrero 2011.” Maaari ring, “Hindi ako maiinis kay ________ sa isang buong araw sa Marso 2011.” Maaaring i-claim ang mga certificates sa tamang panahon.
4.) Maaaring pumunta ang mga magkaka-opisina o magkakaibigan sa mga bahay-ampunan, home for the aged o sa mga kulungan imbes na pagpipiyesta. Maaaring magdala ng pagkain at pagsaluhan iyon kasama ang mga binisita.
5.) Imbes na magkaroon ng palitan ng regalo sa opisina, maghanda ng espesyal na package para sa mga mahihirap na pamilya. Halimbawa, maaaring maglaman ang package ng ½ kilo ng bigas, ½ kilo ng asukal, 2 lata ng sardinas, 2 lata ng Vienna Sausage, toothpaste, 2 sepilyo, 2 sabon, 1 kahon ng sabong panlaba, 2 bimpo, 2 kamiseta. Pag-usapan ang kalidad at laki ng bawat item. Maaari ring patulungin ang mga kamag-anak ng mga taga-opisina upang maging mas makahulugan ang gawain ng pamamahagi. Maaari rin itong dalhin sa mga bahay-ampunan, kulungan, evacuation site, atbp, na bibisitahin.
6.) Mahilig ang mga Pilipino sa raffles. Mag-Bingo sa opisina imbes na isagawa ito sa isang restaurant. Maaaring gamitin bilang cash prize sa raffle ang budget para Christmas Party.
7.) Maghanda ng simpleng merienda sa huling araw ng trabaho. Huwag nang gumastos pa para sa maluhong pagkain. Magsaya na lamang sa pamamagitan ng tawanan, kuwentuhan, kantahan, sayawan, at iba pa.
Upang maging mas masaya ang mga gawaing ito, mainam na isagawa ang mga ito sa maliliit na grupo. Kung malaki ang kumpanya, mainam kung nakahati ang mga tao sa mas maliliit na grupo. Ang mahalaga, nagbubuklod ang mga pamilya at mga kaibigan upang magpamalas ng pagmamahal at pagbibigayan bilang pagsalubong sa Pasko.