Ano ang Inaasam ng Mga Gustong Yumaman?

by: Francisco J. Colayco

unang lumabas sa Bulgar noong Hunyo 1, 2013

TINUTURO natin na palaguin mo ang yaman mo para magkaroon ka ng sapat na pera upang tustusan ang pinili mong pamumuhay kahit hindi ka na nagtatrabaho. Hindi ko sinasabing huwag kang magtrabaho. Sa tingin ko, kailangang magtrabaho ang bawat isa hangga’t maaari basta hindi nakasasama sa sarili. Pero ito ang pangunahing mensahe: Kapag mayaman ka, may kakayahan kang mamili kung magtatrabaho ka o hindi. Tandaan rin ang kasabihan: “Ang pinakamayamang tao ay hindi iyong may pinakamaraming pag-aaari, bagkus, pinakamayaman ang taong pinakakaunti ang pangangailangan.”

 

Magdadala ba ng kalungkutan ang kawalan ng pera? OO ang malinaw na sagot. Kung wala kang sapat na pera para man lang sa mga basikong pangangailangan, malamang mag-aalala ka sa bawat minuto ng iyong buhay. Pero hindi ito nangangahulugang hindi ka maaaring maging masaya kung mahirap ka. Kailangan mo lang itapat ang iyong pamumuhay ayon sa iyong kakayahan. Gaano man kaliit ang iyong yaman, makakahanap ka ng kaligayahan sa pagbabahagi ng iyong oras at talento sa mga taong magpapahalaga sa mga iyon. Sa bandang huli, ang pagbabahagi ang sikreto ng kaligayahan.

 

Magdadala ba ng kaligyahan ang limpak-limpak na pera? HINDI ang malinaw na sagot. Tatalakayin natin ito sa ibang artikulo.

 

Maaari kang mangarap na magkaroon ng maraming pera dahil kapag nangangarap tayo, pinapaniwalaan natin ang gusto nating paniwalaan. Maraming mga taong gustong yumaman ang nangangarap ng mga magagandang bagay na dulot ng maraming pera. Ito ang ilang mga pangarap na walang katotohanan:

 

Magdadala ang pera ng mga kaibigan. Sa katunayan, mas mahirap makahanap ng tunay na kaibigan kapag napakarami mong pera. Minamahal ka ng mga tunay mong kaibigan dahil sa iyong pagkatao at hindi dahil sa benepisyo na makukuha nila mula sa iyong kayamanan. Mahirap kilatisin ang mga taong makakasalamuha mo kung tapat ba ang hangarin nila sa iyo. Maliban na lamang siguro sa mga malapit mong kaibigan na naging kaibigan mo bago ka pa man yumaman, o iyong mga kaibigan mo na kasing yaman mo.  Sa kasamaang palad, ang ilan sa mga yumayaman ay nakakalimot sa kanilang mga tunay na kaibigan. Nagiging mas malapit sila sa mga taong mahilig sumipsip para makakuha ng pakinabang at pabor.

 

Magdadala ang pera ng tunay na pag-ibig. Sa katunayan, mas mahirap para sa isang mayamang tao na alamin kung tunay ang isang pag-ibig. Karaniwang mababaw at walang tiwala sa sarili ang mga taong naghahanap ng mayamang katuwang sa buhay. Ang katangian na dapat makita sa katuwang sa buhay ay katalinuhan, tiwala sa sarili, at masayahing disposisyon na kayang magpagaan ng buhay. Kung nasa iyo ang mga katangiang iyon, at mayaman ka pa, napakahusay na kombinasyn! Pero kung hindi, ano ang gagawin mo?

 

Bigyang edukasyon ang sarili sa lahat ng aspekto ng buhay. Patuloy na palaguin ang iyong ipon para magkaroon ng sapat na pera upang makapagretiro ka habang napapanatili ang pamumuhay na makakapagpasaya sa iyo. Naniniwala akong ang balanseng halaga ng yaman ang pinakamainam. Tiyakin na may mahusay kang personal na pinansiyal na plano na nakalkula mo at napag-isipan nang maigi. Bumisita sa Financial Tools na matatagpuan sa www.franciscocolayco.com.

 

Leave a Reply

Your email address will not be published.